Iniisip ko na ang pagbabalik ko sa Pilipinas matapos ang isang buong buhay nang malayo dito. Buhay pa kaya ang mga magulang ko? Ilang kapatid, kaibigang nilisang malapit at hindi, mga iniwang pag-ibig ang buhay? Paano ba nila ako sasalubungin at paano ko sila sasalubungin?
Ngayong malapit na akong umalis, nangako ako sa sarili kong iiwan ko ang ngayon sa ngayon. Iiwan ko ang 25 taong inilagi dito at hindi na babalikan hanggang sa muling magbalik. Gusto kong umikot sa mundo at mabuhay. Tingnan ang nakagisnan kong buhay mula sa malayuan, at intindihin ito at matuto habang nagsisimula nang bago, na sana, mas mamahalin at uunawain ko. Ayokong matulad sa akin ngayon na uhaw sa pangarap.
Nais kong makuntento ang susunod na ako sa kung ano ang meron at hindi nagtatanong sa kung ano ang dapat mangyari sa kahapon. Nais kong lumigaya sa piling ng mga bagong makikilalang pag-ibig at kaibigan nang hindi na iniintindi masyado kong magugustuhan ba nila ako. Nais kong masanay sa alam ko na namang takbo ng ligaya at matutong makipaglaro na lamang sa kalungkutan. Siya na magagawa ko nang sitsitan at makipagbiruan. Nais kong maunawaan itong iiwang buhay, pag-aralan at kabisaduhin ang tibok ng puso, upang sa bago kong buhay ay maiwasan na ang pagluha at hinanakit at pagtatanong ng bakit nang paulit-ulit.
At paano ko sasalubungin ang lumang sarili sa pagbabalik? Paano ako sa kaniya muling lalapit? Minsan nga iniisip kong huwag nang bumalik, bakit pa at para saan pa kung natamo na ang ligaya.
Ngunit nais ko rin namang ihatid ako sa hukay kasama ng lahat ng iniwang kakilala. Kahit nga kakilala na lang ng kakilala. Natatakot din namang akong ilibing sa isang malayong lugar, na ang lahat ng katabing bangkay ay bago at ni hindi ko man lang nakilala. Sa buhay ko lang gustong maglakbay, maghanap, sadyang iligaw ang sarili at huwag itong hanapin, makakilala at makipag-usap, magmahal nang kahit ilang ulit. Sa buhay ko nais iyon at hindi sa kamatayang iniisip kong isang payapang lungsod na walang nagtatangkang umalis. Hindi lang dahil wala nang sasakyang maghahatid palabas, kundi dahil hindi talaga maaaring umalis.


